BAGUIO CITY, Philippines – Inaresto ng Apayao policemen ang isang lalaking lasing matapos nitong patayin sa taga ang sariling kapatid na babae nitong Biyernes sa Barangay San Carlos, Sta. Marcela, Apayao Province.
Sa imbestigasyon, ang suspek ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kabarkada sa loob ng kanilang bahay at nang makarami na nang nalaklak na alak ay nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang nakababatang kapatid na babae dahil umano sa problemang pamilya.
Sa kalagitnaan ng mainitang pagtatalo, sumigaw umano ang biktima sa salitang Ilocano ng -- “tagbatenak lattan” (sige tagain mo na lang ako) kaya lalong nag-udyok sa lasing na suspek na kumuha ng bolo at pinagtataga ang kapatid.
Ang biktima na nagtamo ng dalawang taga sa ibabang bahagi ng kanyang kaliwang kili-kili ay mabilis na isinugod sa Santa Marcela District Hospital subalit idineklarang patay na.
Ang suspek ay agad na inaresto ng mga pulis habang inihahanda na ang kasong homicide laban dito.