Pinaghihinalaan na may ibang lalaki
COTABATO CITY, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang babaeng guro makaraang sibakin sa leeg ng kanyang sariling mister dahil umano sa matinding pagseselos sa loob ng kanilang tahanan sa Dumalinao, Zamboanga del Sur, ayon sa pulisya kahapon.
Malaking sugat sa leeg sanhi ng pagkakataga ang ikinamatay ng biktima na kinilalang si Cirila Solis Parila, 48-anyos, guro ng Rebokon Agricultural and Vocational High School sa Dumalinao, at nakatira sa Brgy. Camalig ng nasabing bayan.
Ayon sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng Dumalinao Municipal Police Station at ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, agad na tumakas ang 50-anyos na mister na si Allan Parila na nahaharap sa kasong parricide matapos nitong mapatay ang kanyang misis.
Kinumpirma ng mga kamag-anak ng napaslang na guro na madalas magtalo ang mag-asawang Parila dahil laging kinokompronta ng mister ang misis sa pagdududang may ibang lalaking karelasyon na hindi naman niya mapangalanan kung sino.
Sa gitna ng pagtatalo, tila naburyong sa selos ang mister hanggang sa kumuha ng itak saka tinaga sa leeg ang ginang.
Ayon sa anak ng biktima na si Azel Jean, walang trabaho ang kanilang ama dahil sa siya ang nag-aalaga sa kanyang kapatid na may kapansanan.
Lumalabas na nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa noong umaga ng Linggo bago naganap ang krimen, ayon pa sa salaysay ng mga kapitbahay sa mga pulis na nagresponde sa pinangyarihan ng krimen.