Dahil sa pagputok ng Mt. Mayon
MALILIPOT, Albay, Philippines — Nanawagan kahapon sa pamahalaan ang ilang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bayan sa Albay na apektado sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon na mapatayuan sila ng permanenteng evacuation centers.
Ang panawagan ay isinagawa ni Mayor Cenon Volante ng bayan ng Malilipot sa ginawang “Tarabangan (tulong) Caravan” sa San Jose Elementary School Evacuation Center ng Ako Bicol Partylist kung saan nabiyayaan ang mga evacuees o bakwit ng libreng medical at dental check-up, libreng gupit, masahe at iba.
Ayon kay Volante, mahalaga ang pagkakaroon ng permanenteng evacuation center sa kanilang bayan na magagamit hindi lang sa panahong nag-aalboroto ang Mt. Mayon kundi maging sa iba pang uri ng kalamidad.
Kapag may permanenteng evacuation center, hindi na rin aniya maaapektuhan ang mga batang mag-aaral na kadalasang ginagamit ang kanilang mga paaralan at classrooms sa tuwing may lumilikas bunsod ng kalamidad at pagputok ng bulkan.
Ayon kay Cong. Raul Angelo Bongalon, vice-chairman ng house committee on budget and appropriations, siya at ang chairman ng komite na si Cong. Elizaldy Co ay may inihahanda nang budget hinggil dito.
Maliban dito, may nakabinbing aniyang batas sa Senado na aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa para sa pagtatayo ng mandatory evacuation center sa lahat ng bayan at lungsod sa buong bansa.
Kailangan lang umanong maghanap ng lokal na pamahalaan ng lupa na titirikan ng gusali na gagawing permanenteng evacuation center ng bayan.