MANILA, Philippines — Hindi kumbinsido si Pola, Oriental Mindoro Jennifer Cruz na “oil free” na ang kanilang bayan matapos ang delubyo ng oil spill na naminsala sa karagatan ng kanilang lalawigan sanhi ng paglubog ng M/V Princess Empress noong Pebrero 28 ng taong ito.
Ito ang inihayag ni Cruz matapos niyang hindi lagdaan ang isang dokumento ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasaad na malinis na sa matinding epekto ng oil spill ang Pola pagkaraan ng 3-buwang clearing operations.
Ang PCG ang nanguna sa clearing operations sa tumapong 900,000 litro ng industrial fuel oil sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro sanhi ng paglubog ng nasabing oil tanker cargo ship.
Nakaapekto ang oil spill sa 10 bayan ng Oriental Mindoro na kinabibilangan ng Bansud, Pinamalayan, Bongabong, Naujan, Pola, Bulalacao, Mansalay, Roxas, Puerto Galera, Baco at maging sa kapitolyo sa lungsod ng Calapan habang apektado rin ang iba pang mga lalawigan sa oil spill. Nasa 24,698 mangingisda ang nawalan ng hanapbuhay sa oil spill gayundin ang mga resort at diving sites lalo na sa Puerto Galera na destinasyon ng mga turista.
Iginiit ni Cruz na marami pa ring nakakapit na langis sa mga bakawan sa tabing dagat ng kanilang bayan kaya paano naman aniya siya lalagda sa nasabing dokumento.
“The cleanup of our mangroves is not yet complete,” anang alkalde.
Sinabi nito na hihintayin muna niya ang iisyung abiso ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na talagang oil free na ang kanilang bayan.
Ayon sa alkalde, kokonsultahin din muna niya ang kanilang mga brgy. officials, mangingisda at iba pa para tiyakin na wala nang tumagas na mga langis sa katubigan ng kanilang bayan bago lagdaan ang naturang dokumento.
Sa katunayan aniya, mismong mga residente sa kanilang lalawigan ay nagbabayanihan hanggang sa ngayon para alisin ang oil spill sa karagatan at sa tabing dagat na kinaroroonan ng mga bakawan.