MANILA, Philippines — Patay ang dalawang mangingisda habang pito naman ang nawawala matapos lumubog ang kanilang sasakyang pandagat, wika ng Philippine Coast Guard.
Sa ulat ng AFP ngayong Biyernes, sinasabing 14 sa 23 crew members ng Genesis 2 ang nasagip ng iba pang fishing vessels makaraang mangyari ang insidente noong Huwebes.
Sinasabing nangyari ang paglubog 337 kilometro silangan ng isla ng Mindanao.
Natagpuan ang bangkay ng isa sa mga mangingisda kahapon sa Philippine Sea. Namataan naman ang ikalawang labi ngayong araw, wika ni Joseph Dacuyan ng PCG sa probinsya ng Davao Oriental.
"At that time the waves were really strong and the fishermen were surprised and did not anticipate they would be that strong," paliwanag ni Dacuyan.
Aniya, lumubog agad ang vessel "sa loob ng anim na minuto" matapos pasukin ng tubig. Nawawala pa rin hanggang sa ngayon ang kapitan ng bangka kabilang ang anim nilang crew members.
Iniimbestigahan pa rin naman daw ang puno't dulo ng insidente sa ngayon. Dagdag pa ni Dacuyan, ipinagpapatuloy sa ngayon ng isang coast guard patrol vessel at lima pang ibang bangka mula General Santos city, ang paghahanap. — James Relativo at may mga ulat mula sa Agence France-Presse