LUCENA CITY, Philippines — Hindi bumenta sa mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Lucena PNP ang palusot ng isang iskorer at isang babaeng tulak na naghihiraman lamang sila ng pera kung kaya’t tinuluyan silang arestuhin matapos na isagawa ang buy-bust operation sa Purok Happy Valley, Barangay Ibabang Dupay, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PLt.Col.Ruben Ballera Jr.,chief of police dito ang mga naaresto na sina Marlo Ramos, alyas Negro, 26, binata ng 97 Lopez Jaina St. Brgy San Diego Zone 4, Tayabas City at Cecile Consul,44 ng Barangay. Mayao Crossing, Lucena City.
Ayon kay Lt.Col.Ballera, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente na may nagaganap na pot session sa naturang lugar kung kaya’t agad na nagsagawa ng plano para sa anti-drug operation.
Naabutan pa sa aktong lango sa droga ang suspek na si Ramos nang isagawa ang buy-bust operation, ala-1:57 ng madaling araw.
Nakuha buhat sa pag-iingat ng mga suspek ang apat na piraso ng plastic sachet ng suspected shabu na tumitimbang ng 4.5 grams na nagkakahalaga ng P91,800.00 at isang piraso ng P500 na marked money.
Nabatid na ang mga suspek ay pawang kabilang sa talaan ng Provincial Police Office (PPO) Suspected List Individual (SLI).