Yate nasunog, sumabog: 2 Turkish nasagip
MANILA, Philippines — Dalawang Turkish national ang nasagip makaraang masunog at sumabog ang sinasakyan nilang yate sa karagatang sakop ng Limbones Island sa Nasugbu, Batangas nitong Biyernes.
Kapwa nasa maayos nang kondisyon ang mga nasagip na sina Erdinc Turerer at Ergel Abdulla; pawang Turkish national.
Sa report ng CALABARZON Police, dakong alas–7 ng gabi nitong Biyernes nang mapaulat sa Batangas Police ang pagkakasagip sa dalawang Turkish.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng madaling araw nitong Hunyo 16 habang lulan ng isang motor yacht ang dalawang Turkish na naglalayag sa bisinidad ng karagatan ng Limbones Island sa Barangay Payapa, Nasugbu nang maganap ang insidente.
Ang nasabing yacht ay galing sa San Isidro, Leyte at patungo sana sa Ilocos Norte nang balyahin ito ng dambuhalang alon sa gitna ng karagatan bunsod upang tumapon ang kanilang reserbang fuel na nakalagay sa container na kumalat sa engine room at umabot pa sa may gas tank.
Bunga nito, lumikha ito ng sunog na mabilis na kumalat sa loob ng yate kaya mabilis na tumalon sa tubig ang dalawa bago tuluyang sumabog ang yate.
Si Turerer ay nasagip ng mga mangingisda ng Brgy. Papaya at agad iniulat ang insidente sa Nasugbu Municipal Police Station matapos maihatid ang dayuhan sa dalampasigan ng Sitio Limbones.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Nasugbu Coast Guard at pulisya sa nawawala pang kasama ni Turerer. Gayunman, naispatan sa karagatan at sinagip ng M/V Lady Martina vessel ang nawawalang dayuhan na nagtamo ng 1st degree burn sa kaniyang dalawang hita at kanang kamay.
- Latest