Political instructor ng terrorist group, sumurender sa GenSan

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte, Philippines — Matapos ang serye ng negosasyon sa ilalim ng Localized Engagement Program ng Pamahalaang Lokal ng South Cotabato, tuluyan nang tinalikuran ang pag­laban sa gobyerno ng isang political instructor ng Communist Terrorist Group o CTG matapos siyang sumuko.

Si alyas Akai na minsan ay nagpapakilalang alyas Berlyn ay nagbalik-loob sa Task Force GenSan nitong ika-6 ng Hunyo, 2023.

Ayon kay Col. Ruben Aquino, commander ng Task Force GenSan, maliban sa pagiging political instructor, si alyas Akai ay isa ring intelligence officer at media liaison officer ng Guerilla Front Musa, sa ilalim ng humihinang command ng Far South Mindanao Region ng CTG. Isinuko rin nito ang kanyang armas na dating gamit nito habang nasa loob pa ng teroristang kilusan.

Sinabi naman ni Col. Andre Santos, Commander ng 1st Mechanized Brigade, ika-24 ng Abril ng taong kasalukuyan nang huling namataan si alyas Akai sa bahay nito sa Purok 4, Block 3, Fatima, General Santos City.

Iniharap naman kay GenSan Mayor Lorelie Pacquiao si alias Akai at agad siyang nabigyan ng paunang tulong pinansyal. Bukod pa ito sa matatanggap niyang benepisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Tiniyak naman ni Major General Alex Rillera, sommander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na mabibigyan ng maayos na pagtrato ang lahat ng mga magbalik-loob mula sa pagiging mga biktima ng maling ideolohiya at panlilinlang ng CTG. Tinawag pa ng Division Commander na welcome development ang pagsuko ni Alias Akai para sa isinusulong na pambansang pagkakaisa sa ngalan ng kapayapaan.

Show comments