MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Labing walong katao ang nasugatan matapos na masunog ang kanilang mga bahay nang sumabog at nasunog ang isang bodega ng paputok na matatagpuan sa Brgy. Bunducan, Bocaue, Bulacan, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, alas-2:16 ng madaling araw kahapon nang sumabog ang mga paputok sa bodega na pag-aari ng isang alyas Lita na dahilan para ito ay masunog.
Ang sunog ay kumalat sa ilang kabahayan habang ang iba’y nawasak sa lakas ng pagsabog ng paputok.
Maliban sa mga bahay, nadamay din sa sunog ang ilang nakaparadang sasakyan sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, bago nangyari ang sunog na umabot sa ikalawang alarma ay nakarinig muna ng isang malakas na pagsabog mula sa bodega ng paputok.
Kasalukuyan nang inaalam ng mga otoridad kung bakit mayroong malaking bilang ng mga paputok ang nakatago sa isa sa mga apektadong bahay.
Ayon kay Municipal fire station Fire Marshal FSI Earl Carlo Mariano, alas-5:11ng umaga nang ideklarang fireout ang sunog.