Liquor ban sa evacuation centers, barangays ipinatupad
Sa loob ng 6-7km danger zone ng Mt. Mayon
STO. DOMINGO, Albay, Philippines — Mahigpit nang ipinatutupad ang pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga evacuation centers at sa mga barangay na nasa loob ng 6 hanggang 7-kilometer radius mula sa crater ng Mt. Mayon sa bayang ito.
Ayon kay Sto. Domingo Mayor Joseling B. Aguas Jr., humihingi siya ng paumanhin sa kanyang mga mamamayan pero kailangan nilang magpatupad ng “liquor ban” hindi lang sa mga evacuation centers sa kanilang bayan kundi maging sa mga barangay ng Lidong, Sta. Misirecordia, San Isidro, Fidel Surtida at San Fernando para maiwasan aniya ang problema at walang lasing kapag pumutok na ang bulkan.
Hanggang kahapon ay nasa 557 pamilya at aabot sa 2-libong indibidwal na ang lumikas at inaasahang kapag itinaas sa alert level 4 ay posibleng umabot sa 6,400 pamilya o 15-libong indibiduwal ang ililikas mula sa 7 hanggang 8-kilometrong extended danger zone.
Sinabi ng alkalde na sa buong Albay, ipinagmamalaki nila na ang kanilang mga residente ay boluntaryo nang nagsisilikas habang bitbit ang mga kahoy at pawid at gumagawa ng sarili nilang mga kubo. Ayaw umano nilang tumuloy sa mga evacuation centers para magkaroon ng privacy.
Dahil dito, nagbibigay na lang ang lokal na pamahalaan ng lote, kuryente at suplay ng tubig para sa mga apektadong residente.
- Latest