Lalaki pinasok sa bahay, pinatay

Kinilala ng pulisya ang biktima na si VMark Anthony Santina, 31- an­yos, at residente ng #9254 Conrado Street, Sitio Altarez, Brgy. Ma­duya ng nasabing bayan.
File photo

CAVITE , Philippines — Duguan at wala nang buhay nang matagpuan habang nakahandusay sa loob ng kanyang tahanan ang isang lalaki makaraang pasukin at pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin kamakalawa sa Brgy. Maduya, bayan ng Carmona, dito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si VMark Anthony Santina, 31- an­yos, at residente ng #9254 Conrado Street, Sitio Altarez, Brgy. Ma­duya ng nasabing bayan.

Hindi naman nakilala ang suspek na matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas tangay ang gamit na armas.

Sa imbestigasyon nina Police Corporal John Michael Camacho at Police Corporal Rommel Samorin ng Carmona Police, alas-7:20 ng umaga nang matagpuan ng ama nito ang biktima na duguang nakahandusay sa loob ng kanilang bahay.

Napag-alaman na sunud-sunod  na putok ang narinig ng ilang residente mula sa bahay ng biktima.

Nadiskubre sa loob ng bahay ang isang papel na nakalukot at may nakasulat na “Kapag hindi ko gagawin to kayo ang papatayin nila inutusan nila para kunin ang mga bagay na gusto nila.”

Agad na itinakbo sa pagamutan ang biktima ng ama nito subalit idineklarang dead-on-arrival.

Kasalukuyan nang nangangalap ang pulisya ng CCTV footage sa nasabing lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Show comments