Quezon, idineklarang ‘insurgency free’ sa selebrasyon ng Independence Day
MANILA, Philippines — Pormal nang idineklarang “communist rebels free” o malaya sa anumang insurhensya ang lalawigan ng Quezon matapos ang isinagawang paglulunsad ng “Declaration of Stable Internal Peace and Security” kasabay ng selebrasyon ng ika-125 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, kahapon.
Pinangunahan ni Quezon Governor Dra. Helen Tan ang mga lokal na opisyal ng lalawigan, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang aktibidad kung saan naideklara nang “insurgency free” ang 39 munisipalidad at dalawang lungsod partikular ang Lucena at Tayabas sa lalawigan.
Bilang pagpapatibay nito, lumagda sa isang Memorandum on Agreement (MOA) sina Gov. Tan, at mga opisyal ng AFP at PNP.
Sa naturang okasyon, ipinaliwanag sa isang video presentation ang naging masamang epekto ng pamamayagpag ng grupo ng CCP-NPA-NDF sa komunidad at pagkasira ng buhay ng mga kabataan na sumapi sa naturang makakaliwang grupo.
Naniniwala naman si Gov. Tan na tunay na makasaysayan ang araw ngayon ng kalayaan dahil naideklara nang “insurgency free” ang lalawigan ng Quezon.
Nagpasalamat si Gov. Tan sa AFP at PNP dahil sa ginawang pagsisikap upang mapagtagumpayan ang laban sa insurhensiya sa tulong na rin ng mga lokal na opisyal, ng barangay at komunidad.
Aniya, bukas na ang mga mata ng mga taga-Quezon na hindi na papayag na mahikayat ang mga kabataan na maligaw ng landas at magbuwis ng buhay dahil ito ay hindi makatarungan.
Dagdag ni Tan, isang malaking hamon kung papaano mapapanatili ang kapayapaan sa rehiyon kaya nanawagan siya sa mga lokal na opisyal na gumawa ng mga programa at proyekto na makalulutas sa kahirapan.
Nagpakawala naman ng 125 puting kalapati bago matapos ang programa na sumisimbolo ng kapayapaan at sa pagdiriwang ng bansa ng 125th Independence Day.— Ed Amoroso
- Latest