COTABATO CITY, Philippines — Nasamsam ng mga operatiba ng pamahalaan ang abot sa 13 kilos na marijuana sa isang dealer na napatay makaraang manlaban sa ikinasang buy-bust operation noong Huwebes sa Barangay Panyungan, Bongao sa probinsya ng Tawi-Tawi.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas “Khan” dahil sa nagpapatuloy pa ang pinag-isang operasyon ng pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng 2nd Marine Brigade na naglalayong matunton ang mga kasabwat nito sa pagpapakalat ng illegal na droga sa Tawi-Tawi at karatig lalawigan.
Ayon sa Tawi-Tawi Provincial Police Office, pumalag ang suspect at bumunot ng .38 caliber revolver saka pinaputukan ang mga operatiba nang mahalatang mga hindi unipormadong mga agent ng PDEA-BARMM at mga pulis ang kanyang napagbentahan ng marijuana na abot sa 13 kilo ang timbang at nagkakahalaga ng P425,593.
Sa kanilang mga pahayag nitong Linggo, inanunsyo ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at Lt. Gen. Roy Galido ng Western Mindanao Command na ang napaslang na si Khan ay leader ng isang grupong sangkot sa mga malakihang pagbebenta ng marijuana sa Bongao.