Ginang sugapa sa droga, tsinap-chop ng ka-live in

CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang ginang na ayaw umanong tumigil sa pagdodroga matapos pagputol-putulin ang katawan nito saka isinilid sa garbage bag at itinapon sa ilalim ng tulay at sa bangin ng sariling live-in partner na naburyong sa galit sa Antipolo City, Rizal nitong Biyernes ng umaga.

Matapos ang dalawang araw na pagkawala, nakitang chop-chop na ang katawan ng biktimang si Lanie Loreta, sa may National Housing Authority Ave­nue, Antipolo City.

Nahaharap naman sa kasong murder ang suspek na si Vince Eric Ramos, 27-anyos.

Ayon kay Lt. Col. June Paolo Abrazado, city police chief, ang mga parte ng katawan kabilang ang mga braso at hita ni Loreta ay pinagtataga at pinagputol-putol bago ito inilagay ng kanyang live-in partner sa trash bag na natagpuan ng mga basurero sa Brgy. Dela Paz dakong alas-11:50 ng umaga.

Sinabi ni Abrazado, ang mga labi ng biktima ay positibong kilala ng kanyang tiyahin na si Leoniza Mateo sa pamamagitan ng tattoo, na siya’ng nawawalang pamangkin nito.

Ang iba pang bahagi ng katawan ng biktima ay natagpuan naman sa bangin na katabi ng daan malapit sa Boso-bosa, Brgy. San Jose, may 10.2 kilometro mula sa lugar kung saan nakita ang biktima ng parehong araw dakong ala-5:30 ng hapon.

Sinabi ni Abrazado, unang inihayag ng suspek na nabigong makabalik sa kanilang tahanan ang biktima makaraang magpahatid ito sa Cogeo Gate 2 at pupunta umano sa isang mall para maki­pagkita sa isang alias “Ate” nitong Miyerkules dakong alas-8 ng gabi.

Gayunman, makaraan ang masu­sing backtracking ng pulis­ya, lumabas na gawa-gawa lamang ang kuwento ng suspek at agad siyang inaresto kahapon makaraang imbitahan muli sa istasyon ng pulisya.

Dito na umamin uma­no ang suspek sa karumal-dumal na krimen na ayon sa suspek ay ayaw tumigil sa paggamit ng droga ang ka-live in na matinding ikinagalit nito.

Ang biktima ay dati nang nakulong sa Antipolo Police Station dahil sa illegal drugs kasama ang kanyang ka-partner na napiit sa kaparehong kaso.

Show comments