BALIWAG CITY, Bulacan, Philippines — Lima katao ang patay kabilang ang tatlong Koreano habang dalawa pa ang grabeng nasugatan matapos ang salpukan ng isang sports utility vehicle (SUV) at 22-wheeler trailer truck kahapon ng madaling araw sa Brgy. Sabang ng siyudad na ito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Col. Relly Arnedo, Bulacan Police Director, idineklarang dead-on-arrival sa Baliwag District Hospital ang mga biktima na sina Miseon Kim, Park Misoon at Jinoh Kim, pawang nasa hustong gulang at mga Korean nationals, at kasamahang sina Rosalinda Capinlac at Allen Arucan Bulandos, driver ng SUV; kapwa ng Brgy. Poblacion, Talavera, Nueva Ecija.
Ginagamot naman sa Bulacan Medical Center sina Geraldine Capinlac at Theresa Adio, kapwa ng Talavera, Nueva Ecija na nagtamo ng mga galos at sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.
Sa report na tinanggap ni Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan Police, naganap ang aksidente dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Doña Remedios Trinidad Highway ng naturang barangay. Lulan ang mga biktima ng isang Toyota Fortuner (AVA 9888) patungong siyudad ng Baliwag nang makasalpukan ang isang trailer truck (NEG-7896) na minamaneho ni PJ Calma patungong San Rafael.
Lumilitaw na patungong norte ang SUV galing sa Brgy. Ulingao, San Rafael habang southbound mula Brgy. Sabang, Baliwag ang truck.
Ayon kay Arnedo, napunta sa kabilang lane ang SUV at nakasalubong ang truck. Dahil sa lakas ng impact, wasak ang SUV kung saan sakay ang mga biktima. Agad na naaresto ang driver ng nasabing trak at ngayon ay nahaharap sa kasong “Reckless Imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries, and damage to property”.