CAVITE, Philippines - Halos mapisak ang katawan ng isang pulubi na natutulog lang sa gilid ng kalsada matapos magulungan ng papalikong kotse kamakalawa ng gabi sa Aguinaldo Highway Imus City, Cavite.
Walang pagkakakilanlan sa biktima na kilala lamang umano sa tawag na “Joker” na kasalukuyan ngayong nakalagak sa Ospital ng Imus.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:20 ng gabi ng maganap ang insidente sa Aguinaldo Highway kung saan natutulog ang biktima sa gilid ng kalsada na nakasanayan na nito.
Habang minamaneho ni Roland Patino Amora Jr., nasa hustong gulang, ang kaniyang Suzuki Swift 1.2 GL CV Hatchback na may plate number NDP9595 ay nagmenor pa umano para lumiko pakanan patungo ng Bacoor direction subalit hindi aniya napansin ang natutulog na biktima sa gilid ng kalsada kung kaya tuluyang nagulungan.
Naitakbo pa ang biktima sa Ospital ng Imus subalit idineklarang dead-on-arrival na.
Hawak na rin ng pulsiya ang nasabing driver at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.