CAVITE , Philippines — Arestado ang lider ng isang kilabot na drug syndicate at isang miyembro nito sa inilatag na drug bust ng pulisya kamakalawa ng gabi sa Cavite City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Jonathan Eti Albufuera alias “Toto Tae”, na sinasabing lider ng “Albufuera Drug Group” at ang miyembro nito na si Reynaldo Ordiz Sunglao alias “Rey Ipot”, kapwa nasa listahan ng mga high value individual (HVI) ng pulisya.
Sa ulat, dalawang magkasunod na operasyon ang inilatag ng pulisya matapos makumpirma na positibong nagtutulak ng droga ang mga suspek.
Unang operasyon ay ikinasa sa Brgy. 42C Cavite City, kung saan target ng pulisya ang pinakalider ng grupo na nakuhanan ng may mahigit sa 5-gramong shabu.
Agad na isinunod ng mga operatiba ang kanilang operasyon laban sa miyembro ng sindikato dakong alas-9:45 ng gabi sa Brgy. 43 ng nasabing lungsod kung saan nalambat si Sunglao.
Nakumpiska rito ang may mahigit sa 2-gramo ng shabu at mga drug paraphernalia.