MANILA, Philippines — Natagpuan ng isang concerned citizen ang isang pakete na naglalaman ng isang kilo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, sa gilid ng kalsada ng isang pribadong subdibisyon sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na report ng Antipolo City Police Station, nabatid na dakong alas-7:15 ng gabi nang madiskubre ang naturang pakete sa Crestview Lane, Crestview Subdivision ng Brgy. San Roque.
Napadaan umano roon ang isang concerned citizen at namataan ang pakete na nakabalot sa isang cling wrapper. Nang makitang tila marijuana ang laman nito ay kaagad niyang inireport sa mga otoridad.
Kaagad namang rumesponde si PCp.l Geraldo Baccay, kasama ang mga barangay tanod sa lugar. Nang busisiin nila ang pakete ay nadiskubreng marijuana bricks ang laman nito, na tumitimbang ng may isang kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P120,000.