Traffic enforcer todas sa sinitang riding-in-tandem!
Cavite, Philippines —Tatlong bala ang bumaon sa ulo at katawan ng isang traffic enforcer makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaking lasing na magkaangkas sa motorsiklo na kanyang sinita dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa harapan ng isang kilalang mall sa bayan ng Tanza ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Nagkagulo sa harapan ng mall nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok na tumapos sa buhay ng biktima na nakilalang si William Mentes Quiambao, traffic enforcer ng Tanza Office for Public Safety at residente ng Brgy. Tres Cruses ng nasabing bayan.
Tinutugis na ng pulisya ang mga suspek na nakilalang sina Joseph Tahimic Llagas, residente ng St. John Subdivision, Brgy. Biga Tanza, at Aries Plomos Carlos, kapwa nasa hustong gulang.
Sa nakalap na ulat sa Tanza Police, dakong alas-5:50 ng hapon nang maganap ang insidente kung saan naka-duty ang biktima at mga kasamahan nito sa pagmamando ng trapiko sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat, hinuli umano ng biktima ang magkaangkas na suspek hinggil sa mga walang suot na helmet at pasuray-suray pa sa pagmamaneho.
Sa video na kumalat sa social media mula sa ilang mga nakasaksi sa pangyayari, nagkasagutan pa ang mga enforcers at makikitang galit na galit ang mga suspek at tinangka pang sagasaan ang biktima.
Sa isa pang video, makikitang pinagtutulungan ng mga traffic enforcer na pigilin at pakalmahin ang isa sa suspek, at biglang may sumuntok sa suspek na isa pang enforcer hanggang sa makarinig na ang mga tao ng magkakasunod na putok ng baril.
Sa kabila nito, lumalabas sa imbestigasyon na bumaba sa motorsiklo ang mga suspek at agad na binunot ni Llagas ang baril sa bewang ng kasama nitong si Carlos at dito na sunud-sunod na pinaputukan sa ulo at katawan ang biktima.
Nang duguang bumulagta ang traffic enforcer, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng itim na Mio i125 motorcycle na may temporary plate number na 0401-0364688.
Naitakbo pa sa Tanza Specialist Medical Center ang biktima subalit idineklara na siyang dead-on-arrival.
Narekober sa crime scene ang isang deformed .45 caliber slug.
Sa follow-up operation ng pulisya, kanilang natagpuan ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek na inabandona sa Casanueva, Brgy. Biga, Tanza, Cavite.
Kaugnay nito, nagpalabas na ang lokal na pamahalaan ng Tanza ng halagang P100,000 bilang pabuya para sa makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay sa nasabing traffic enforcer.
- Latest