Lady caretaker ng resort, itinumba sa kubo
SARIAYA, Quezon, Philippines — Pinagbabaril hanggang mapatay ng riding-in-tandem ang babaeng caretaker ng isang beach resort habang ang biktima ay nasa loob ng kubo sa Sitio Silangan, Barangay Guisguis Talon, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si Aiza Magboo, 34, may-asawa at residente ng Sitio Paraiso sa nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon ni Master Sgt.Gerardo Eballa, officer-on-case, nakatayo sa loob ng isang kubo sa Beneraza Beach Resort ang biktima dakong alas-5:20 ng hapon nang biglang dumating ang isa sa hindi nakikilalang lalaki at walang sabi-sabing pinaulanan ng punglo ang una na agad nitong ikinamatay.
Matapos na isagawa ang krimen, mabilis na sumakay ang salarin sa naghihintay na kulay gray na Suzuki motorcycle na minamaneho ng kasamahan nito saka tumakas patungo sa direksyon ng Eco-Tourism Road sa bayan ng Candelaria.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaslang sa biktima.
- Latest