LAGUNA, Philippines – Tatlong hinihinalang gunrunners ang naaresto sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan ng Siniloan sa lalawigang ito.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, ang mga nadakip na suspek na sina Raymond Maghirang, Fernando Pundan at Julito Maderazo.
Ayon kay Silvio, ang tatlo ay nahuli habang nagbebenta ng loose firearm sa isang undercover agent na nagsilbing poseur buyer sa loob ng isang sasakyan sa parking area sa may daan ng Barangay Halayhayin, Siniloan, noong Biyernes dakong alas-11:45 ng umaga.
Bukod sa pagkakasangkot sa gunrunning activities, sinabi ni Silvio na konektado rin ang mga suspek sa isang “Jayson Cuento” na tinukoy na sangkot sa serye ng pamamaril sa Sariaya, Quezon at sa Siniloan.
Nakuha mula sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng bala, mga ‘di lisensyadong baril at marked money na ginamit sa operasyon.