5 nasapol ng kidlat: 2 patay, 3 sugatan
CAVITE , Philippines — Dalawang menor-de-edad kabilang ang isang batang estudyante ang patay habang sugatan ang tatlo pa makaraan silang tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng ulan sa magkahiwalay na lugar sa Gen. Trias City, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Xian Agripa Parangan, 10-anyos, residente ng Brgy. Pasong Camachile 2; at Edison Hachero, 16-anyos ng Brgy. Santiago; pawang sa Gen. Trias City, Cavite.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa ospital ang mga sugatan na sina Jovic Gubat, nasa hustong gulang, ng Brgy. Santiago, Gen. Trias City; John Carlo, 9-anyos; Vince, 10- anyos; kapwa ng Brgy. Pasong Camachil 2, Gen. Trias City.
Sa ulat mula kay Police Col. Jose Naparato Jr., hepe ng pulisya sa lungsod, ang unang insidente ay naganap dakong alas-4 ng hapon sa Brgy. Santiago ng nasabing lungsod kung saan kasagsagan ng ulan.
Nakatayo lang umano sina Hachero at Gubat sa gilid ng kalsada na ‘di kalayuan sa kanilang mga bahay at naghihintay ng pagtila ng ulan nang biglang kumidlat ng malakas at diretsong tumama sa dalawa.
Kapwa bumagsak ang dalawang biktima na agad namang naitakbo sa Gen. Trias Medicare Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival ang 16-anyos na si Hachero habang patuloy na ginagamot si Gubat.
Kasunod nito, dakong alas-7:30 ng gabi nang masapol din ng kidlat habang nagpapalipad ng saranggola ang tatlong minor na sina Parangan, John Carlo at Vince Angelo sa open field ng Brgy. Pasong Camachile 2. Bigla umanong bumuhos ang malakas na ulan kung kaya nagpasya silang sumilong sa malaking puno.
Gayunman, nang nasa ilalim na ng puno ang tatlong batang biktima, dito na biglang kumulog na sinabayan ng malakas na kidlat at biglang tumama sa nasabing puno at sa tatlong bata.
Pawang nagkikisay na bumagsak ang tatlong paslit na agad na naitakbo ng mga saksi sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival ang batang si Parangan habang sugatan at inoobserbahan ang dalawa pa nitong kaibigan.
- Latest