Parak, 2 ‘tulak’ utas sa madugong buy-bust!

Nagluluksa ngayon ang  buong PNP sa pangunguna ni  Regional Police Director for Central Luzon Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., sa pagkasawi ni Cpl. Darnel Alfonso sa naturang operasyon.
STAR / File

2 pang pulis-Bataan sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang pulis at dalawang  tulak ng droga habang dalawang pulis pa ang sugatan nang mauwi sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation nitong Martes sa Orion, Bataan.

Nagluluksa ngayon ang  buong PNP sa pangunguna ni  Regional Police Director for Central Luzon Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., sa pagkasawi ni Cpl. Darnel Alfonso sa naturang operasyon.

Ginagamot naman sa ospital ang mga kasamahan ni Alonso na sina Maj. Dennis Duran at Staff Sgt. Glenn Salac, pawang kasapi ng Bataan Provincial Intelligence Unit (PIU).

Isang napatay na suspek ay nakilalang si Mark Anthony Capacia habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kasama nito.

Sa pinagsamang operasyon ng Bataan Police Intelligence Unit Orion Police Station, Bataan 2nd Provincial Mobile Force Company at Criminal Investigation Detection Group-Bataan, isinagawa ang buy-bust dakong ala-1:00 ng madaling araw  sa Purok 8, Barangay Gen. Lim sa Orion.

Isinagawa ang buy-bust subalit nakatunog umano ang mga suspek at agad  na pinaputukan ang  mga pulis na ikinasawi ni Alfonso. Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Narekober sa lugar ang isang Colt .45 caliber pistol na may magazine at naglalaman ng 12 pirasong bala, .45 caliber pistol na may 6 na bala, homemade shotgun 12 gauge na may apat na bala, at isang hand grenade MK2 fragmentation high explosive.

Ipinag-utos na ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. ang agarang paglalabas ng kaukulang benepisyo para sa pamilya ni Alfonso gayundin ang tulong medical sa dalawang sugatang pulis.

Show comments