PILAR, Sorsogon, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang pulis matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa kalabaw sa kahabaan ng highway ng Purok-1, Brgy.Del Rosario, Pilar, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Tinangka pang isugod ng mga kabaro sa Castilla District Hospital pero hindi na umabot nang buhay ang biktimang si Staff/Sgt.David Riva Dela Rosa,.37-anyos, may-asawa, residente ng Purok Azucena, Brgy. Burabod, Castilla, Sorsogon at warrant at intelligence officer ng Castilla Municipal Police Station.
Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-4:40 ng hapon habang lulan ng kanyang motorsiklo si Staff Sgt. Dela Rosa at binabagtas ang kahabaan ng highway pabalik ng kanilang istasyon nang maganap ang aksidente.
Nagsagawa umano ng intelligence monitoring ang biktima sa Brgy. Sugoy, Castilla at mga kanugnog na barangay ng bayan ng Pilar nang aksidenteng mabangga nito ang kalabaw na hila-hila ng magsasakang si Joven Belen, residente ng Brgy.Bual, Pilar.
Sa lakas ng pagkakabangga, sumemplang ang motorsiklo at tumilapon ang nasabing pulis. Mabilis naman siyang sinaklolohan ng mga residente at ng mga kabaro at dinala sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay.
Ang kalabaw ay nasugatan pero nasa mabuti nang kalagayan.