Vape, ginagamit na sa pagbebenta ng droga!
Cavite, Philippines — Nadiskubre ng awtoridad ang bagong strategy at operandi ng mga drug pusher ngayon sa pamamagitan ng paggamit ng “vape” o “e-cigarette” kung saan dito inilalagay ang drogang kanilang ibinebenta.
Kasunod ito sa pagkakaaresto ng isang 37-anyos na lalaking “tulak” makaraang mabuking ng mga awtoridad ang illegal na droga na isiniksik sa kaniyang vape upang hindi mahalata sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay 28, Cavite City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang naarestong suspek na si Jeffrey De Leon Villaflor, 37-anyos, residente ng naturang lugar at kabilang sa street drug watchlist ng pulisya. Siya ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sec 5 and 11, Art II of RA 9165.
Ayon sa report ng pulisya, ala-1:50 ng madaling araw nang maglatag ng buy-bust ang pinagsanib na puwersa ng Cavite City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa suspek.
Nang magkaabutan na ng biniling droga at buy-bust money, dito na agad dinakma ng grupo ang suspek at habang kinakapkapan ay hawak nito ang kaniyang vape.
Nang siyasatin ng mga operatiba at PDEA agents ang hawak ng suspek ay nakuha ang naka-plastic sachet na shabu na nakasiksik sa loob ng vape. Tinatayang may timbang ito na 0.80 gramo na may halagang P2,125.
Narekober din sa suspek ang isang Samsung cellphone na gamit nito sa mga drug transaction at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
- Latest