Bayombong, Nueva Vizcaya, Philippines — Idineklarang special non-working holiday ngayong araw, Mayo 24, sa Nueva Vizcaya kasabay ng kanilang pagdiriwang sa ika-184 Founding Anniversary ng nasabing lalawigan.
Sa bisa ng Excecutive Order 516-2023 na inilabas ni Governor Jose Jing Gambito, idineklarang non-working holiday sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya ang May 24 para sa selebrasyon ng “Grand Ammungan Festival,” na unang binuksan nitong Lunes.
Ayon kay Gambito, ngayong araw ay inaasahan na muling magtitipun-tipon ang nasa 18 Indigenous Peoples mula sa iba’t ibang tribu na matagal ng naninirahan sa lalawigan para makibahagi at makisaya sa street dancing competition at iba pang palabas na gaganapin sa clisoc open field sa bayan na ito.
Ayon naman kay Tourism Operations Officer Marichelle Costales na siyang director general sa Grand Ammungan Festival 2023, lahat naman ng 15 mga bayan na bumubuo sa lalawigan ay makilahok sa limang araw na kapistahan.
Ang iba pang mga pinakaaabangan na mga pagtatanghal ay ang search for Saniata ti Nueva Vizcaya (Miss Nueva Vizcaya); Kulinarya Vizcaya Competition; Paramotor/Paragliding Exhibition; 1st Ammungan Bonsai Exhibition; Live Ammungan Musikahan Concert by Local Performers at ang Gawang Vizcayano Exhibit and Trade Fair.
Ipinag-utos naman ni Gambito na bawasan ang ibang mga maiingay na programa bilang bahagi pa rin ng pagdadalamhati ng lalawigan sa biglaang pagpanaw ni Governor Carlos Padilla noong May 5 dahil sa atake sa puso.
“Due to the late governor Padilla’s untimely death close to our Grand Ammungan Festival and the annual founding anniversary of the province, I suggested to the executive committee to tone down the merriment as we are still in a state of grief,” pahayag ni Gambito.
Naglaan naman ng tribute ang provincial government para kay Governor Carlos Padilla sa convention center kamakalawa ng gabi.