Lucena City, Philippines — Binigyang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang dalawang Quezonian na nag-uwi ng karangalan sa bansa sa katatapos na 32nd Southeast Asian (SEA) Games na ginanap sa bansang Cambodia.
Muling ipinamalas ng magkapatid mula sa Lungsod ng Lucena sina Noelle Nikki Camille Zoleta at Noelle Conchita Corazon Zoleta-Manalac ang kanilang angking galing sa Soft Tennis.
Nakamit ni Noelle Nikki Camille ang Gold Medal para sa Team Event at Silver Medal para sa Singles Category. Samantala, nasungkit naman ni Noelle Conchita ang gold medal sa Team Event at Double Category.
Personal na binati ni Quezon Gov. Helen Tan at Vice Governor Third Alcala ang magkapatid at ipinagkaloob sa kanila ang plake ng pagkilala at cash incentive para sa karangalang iniuwi sa kanilang lalawigan.