2 barko nagsalpukan sa Cebu, 13 sugatan
MANILA, Philippines — Isang barkong pampasahero at isang cargo ship ang nagbanggaan sa karagatang sakop ng lalawigan ng Cebu nitong Linggo ng hapon, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa incident report ng PCG, dakong alas-2:52 ng hapon nang maganap ang insidente sa karagatang sakop ng Brgy. Looc sa Mandaue City, Cebu sangkot ang MV St. Jhudiel at LCT Poseidon 23.
Nabatid na umalis ng Ormoc City sa Leyte ang MV St. Jhudiel patungo ng Cebu City lulan ang 197 pasahero. Habang naglalayag, nakaranas umano ito ng “steering casualty” at “engine trouble” dahilan para hindi ito makontrol ng mga tripulante at tuluyang bumangga sa LCT Poseidon 23 na patungo naman ng Ormoc City.
Nabatid naman na may lulang 20 pasahero kabilang ang tsuper at cargo helpers ang LCT Poseidon 23 at 17 rolling cargoes.
Nasa 13 pasahero ng MV St. Jhudiel ang nasaktan sa insidente. Agad na nagpadala ang PCG ng mga floating assets, mga behikulo at ambulansya para sa mga biktima.
Isa pang grupo mula sa Coast Guard Special Operations Group- Central Visayas ang nagpadala ng divers para sa ikinasang search and rescue operations sakaling may nawawala sa insidente. Rumesponde rin ang isang grupo mula sa Coast Guard Marine Environmental Protection Force-Central Visayas para naman sa pagtataya kung may nangyaring “oil spill” para agad ring maaksyunan ito.
Bumalik ang LCT Poseidon 23 sa Ouano Wharf sa Mandaue City para suriin ang tinamong pinsala nito sa aksidente.
Inabisuhan na ng PCG ang mga pamunuan ng barko na maghain ng marine protest habang nagsasagawa na ng sariling marine casualty investigation ang CG District Central Visayas.
- Latest