3 iskul sa Quezon binulabog ng bomb threat
Mulanay, Quezon , Philippines — Binulabog ng magkakasunod na bomb threat ang tatlong paaralan sanhi ng pansamantalang suspension ng kanilang klase, sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Sa ulat, ang mga nakaranas ng banta ng pambobomba ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) Mulanay Campus, Bondoc Peninsula Agricultural High School at Mulanay Central School.
Ayon kay Maj. Marlon Comia, hepe ng Mulanay Police Station, isang “Ka Tonyo” ang nag-post sa wikang Bisaya sa Facebook page ng university student government ng PUP Mulanay na may mga nakatanim na bomba sa mga eskwelahan.
Agad na nagresponde ang mga otoridad at nagsagawa ng inspection sa lahat ng sulok ng eskwelahan pero wala namang nakitang bomba.
Bunsod nito, nakikipag-ugnayan na ang Mulanay Police sa PNP-Anti Cybercrime Group para matukoy ang pagkakakilanlan ni Ka Tonyo.
Samantala, sa pamamagitan ng kanyang opisyal na Facebook page ay ipinag-utos ni Mulanay Mayor Aris Aguirre ang suspensyon ng klase sa Sta. Rosa Elementary School, Mulanay Central Elementary School, Bondoc Peninsula Agricultural High School at PUP-Mulanay kahapon, Mayo 22, 2023.
Inatasan din ng alkalde si Major Comia na gumawa ng masusing pagbabantay sa loob at labas ng mga nabanggit na paaralan.
Ayon sa alkalde, kahit negatibo ang bomba sa mga paaralang nabanggit ay nag-request pa rin siya ng operatiba mula sa PNP Explosive Ordnance Disposal Unit upang tiyaking ligtas ang nasabing mga lugar at mga mag-aaral.
- Latest