CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nasa 11 bayan sa Romblon, tatlo rito ay sa Aklan at isa sa Antique ang naapektuhan ng magnitude 4.8 na lindol na tumama sa lalawigan noong Sabado ng umaga, ayon sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan) kahapon.
Sa munisipalidad ng Ferrol, iniulat na nakaranas ng intensity 6; Odiongan,intensity 5; Alcantara, Looc, Santa Maria, intensity 3; habang sa San Andres, San Agustin, Calatrava, Santa Fe, San Jose at Romblon, pawang sa Romblon kasama ang Malay sa Aklan at Pandan sa Antique ay nasa ilalim ng intensity II, at ang Ibajay at Malinao, pawang sa Aklan ay intensity 1.
Ayon kay Eugene Cabrera, regional director ng Office of Civil Defense-MIMAROPA, nagkaroon ng landslide dahil sa lindol sa Barangay Bunsuran, Ferrol, Romblon, pero walang naitalang nasugatan o nasawi at napinsala. Apat namang bahay kabilang ang tatlo sa Ferrol at isa sa Odiongan habang nasa 11 pang imprastraktura kasama ang Lupog bridges sa Poblacion, Ferrol, ang daanan, mga paaralan ang naiulat na nasira sa matinding pag-uga.
Sa kabila nito, kahapon ay wala pa ring naitatalang casualties sa lindol habang ang pinsala sa mga imprastraktura ay kasalukuyan pang tinataya.
Ang klase at pasok sa trabaho mula sa publiko at pribadong sector ay agad namang sinuspinde dahil sa patuloy na pagkakaroon ng mga aftershocks mula sa magnitude 4.8 earthquake, ayon naman kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Bunsod ng malakas na lindol, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naramdaman ang pag-uga ng mga nakabiting bagay sa mga tahanan at mga gusali.
Hinikayat ni Cabrera ang mga barangays officials mula sa Ferrol, Odiongan kasama ang iba’t ibang local officials na magsagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad sa kanilang nasasakupan at magbigay ng abiso sa publiko sa pamamagitan ng MDRRMC Social Media Account.