CALAUAG, Quezon, Philippines — Idinaraos ngayon sa bayan ng Calauag sa lalawigang ito ang “Adyo Calauag, Alimango Festival “ matapos na hindi ito natunghayan ng halos tatlong taon dahil sa COVID-19.
Bukod sa pagsasaka, ang isa sa mga pangunahing kabuhayan ng mga taga-Calauag, Quezon ay ang pag-aalaga at pagbebenta ng” Scylla Serrota o mud crab, alimango.
Ang babaeng alimango ng Calauag, Quezon ay kayang mangitlog ng halos isang milyon at tumitimbang ang pinakamabigat ng halos 3.5 kilo at lumalaki ng halos 9.5 pulgada.
Ang sektor na ito ng lokal na ekonomiya ay ipinagdiriwang mula May 20 hanggang May 25 .
Inaabangan na ang iba’t ibang mga aktibidad tulad ng karera ng alimango at pa-contest sa pinakamalaki at pinakamabigat na alimango.
Sa karera ng alimango ay may nakalaang P3,000 para sa grand prize habang P2,500, P2,000,P1,500 at P1,000 para sa 2nd prize hanggang 5th prize ayon sa pagkakasunod.
Naglaan din ang pamahalaang lokal ng premyong P2,500 para sa tatanghaling champion sa pinakamabilis na magtali ng 10 buhay na katamtaman ang laking mga alimango.
May nakalaan namang P2,500 sa magka-kampeon sa indibidwal na nagmamay-ari ng 200-250 grams na buhay na alimango sa patimpalak na karera.