COTABATO CITY, Philippines — Nakasamsam noong Sabado ng apat na baril ang mga tropa ng 90th Infantry Battalion na naiwan ng mga teroristang nagsitakbuhan nang kanilang lapitan habang nasa isang liblib na barangay sa Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Kinumpirma nitong Linggo ni Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, na nakatagpo ng isang M14 rifle, isang M16 rifle at dalawang .45 caliber pistol sa lugar kung saan nakita ang ilang kalalakihan na tumakas nang napansin ang mga sundalong papalapit sa kanilang kinaroroonan sa Barangay Galakit, Pagalungan.
Nagpatrolya ang mga kasapi ng 90th IB sa Brgy. Galakit nang makatanggap sila ng ulat mula sa mga residente hinggil sa presensya ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na mistulang nagbabalak na mangolekta sa kanila ng “protection money.”
Unang nakarinig ng apat na putok ang mga sundalo sa lugar kung saan namataan ang grupo kaya agad nila itong sinalakay ngunit agad namang nagsitakbuhan nang mapansin na dahan-dahan na silang napapalibutan, naiwan ang apat na mga baril sa kanilang pagmamadali.