Habang nag-uusap sa reklamong cyber bullying
CAVITE, Philippines — Bumulwak ng dugo sa mukha ng isang dalagang estudyante makaraang saksakin ng kaklaseng lalaki habang nag-uusap ang kanilang mga magulang upang maayos sana ang isyu ng “cyber bullying” sa pagitan ng dalawa, na naganap sa loob ng isang kilalang fast food chain sa Brgy. Magdiwang, Noveleta ng lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang inoobserbahan sa St. Martins Hospital ang biktima na kinilalang si Chelsy Honeylade, 21-anyos, at residente ng Brgy. Navarro, Gen. Trias City, Cavite.
Nakakulong naman at nakatakdang sampahan ng kaso ang suspek na nakilalang si John Roy Virata, 21-anyos, ng T. Gomez Street, Caridad, Cavite City.
Sa imbestigasyon ni Police Sergeant Armine Matro, may hawak ng kaso, nakatanggap sila ng tawag mula sa security guard ng isang kilalang fast food chain sa Brgy. Magdiwang hinggil sa umano’y may naganap na saksakan dito.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, alas-5 ng hapon, nasa loob ng fast food chain ang biktima at suspek kasama ang kani-kanilang mga magulang hinggil sa pinag-uusapan ang naganap na pambu-bully sa pagitan ng kanilang mga anak.
Gayunman, nagulat na lamang sila nang biglang sinaksak ni Virata sa mukha ang babaeng kaklase ng hawak nitong tinidor.
Dito agad na bumulwak ang dugo sa mukha ng dalagita at agad na itinakbo sa St. Martins Hospital at kasalukuyang inoobserbahan.
Inaresto naman ang suspek at dinala sa pulisya, napag-alaman na matinding pambu-bully ang namagitan sa mag-kaklase.