Lalaking nagnanakaw ng niyog todas sa parak

Kinilala ng pulisya ang nasawing suspek na si Randy Velasco, 40, binata at residente ng Sitio Carbubulo, Barangay Cabugao habang ang nakabaril dito na si PCpl.Jeffrey Lopez na miyembro ng Burdeos PNP ay boluntaryong sumuko.
STAR/ File

BURDEOS, Quezon, Philippines — Patay ang isang lala­king nagnanakaw ng mga bunga ng niyog matapos mabaril ng nagrespondeng pulis, kamakalawa ng hapon sa Sitio Katubong, Barangay Aniwang sa ba­yang ito.

Kinilala ng pulisya ang nasawing suspek na si Randy Velasco, 40, binata at residente ng Sitio Carbubulo, Barangay Cabugao habang ang nakabaril dito na si PCpl.Jeffrey Lopez na miyembro ng Burdeos PNP ay boluntaryong sumuko.

Ayon kay PCapt.Benito Nivera, chief of police dito, sakay ng dalawang bangka sina Cpl’s.Lopez at Bryan Angelo Regidor at tinungo ang Barangay Caniwang upang respondehan ang nakawan sa niyugan ni Hervie Gonzales.

Naabutan pa umano sa akto ng dalawang pulis, alas-4:00 ng hapon ang suspek na ninakaw ang mga bunga ng niyog.

Nagpakilala umano si Cpl. Lopez, subalit sinugod siya at mga barangay tanod ng taga ng suspek hanggang barilin niya ito sa paa.

Sa halip na huminto, nagpatuloy sa pag-atake ang suspek kung kaya binaril na ito ng pulis sa katawan.

Isinugod ang suspek sa ospital,subalit idineklarang dead on arrival. — Ed Amoroso

Show comments