MANILA, Philippines — Isang barangay health worker (BHW) sa Pangasinan ang nasawi matapos aksidenteng tamaan sa noo ng hawakan ng poso habang siya ay nag-iigib.
Natagpuan ang bangkay ng biktima na si Hilda Siapno, 50, sa tabi ng poso at nakitaan ng malalim na sugat sa kanyang noo.
Sa ulat, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Gueguensangen, Mangaldan, Pangasinan.
Ayon sa ina ng biktima, tinamaan ng hawakan ng poso ang noo ng biktima kaya natumba ito at sumubsob sa kanal.Mag-iigib daw sana ang biktima.
“Kinuha namin na matigas na [ang kanyang bangkay] ... masakit talaga ang nangyari sa anak ko. Hindi namin nasaklolohan sa kanyang paghihirap,” pahayag ng ina ni Hilda na si Pili Siapno-Magno.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang pulisya, pero tiniyak umano nila na walang foul play sa insidente.