COTABATO CITY, Philippines — Nagkasundo nitong Miyerkules ang dalawang angkan na Maranao sa Lanao del Norte na tapusin na ang kanilang halos dalawang dekadang “rido” na sanhi sa pagkasawi ng maraming mga miyembro ng magkabilang panig.
Ang rido ay terminong Maranao na away ng mga pamilya ang kahulugan, o clan war.
Pumayag na mag-ayos na ang mga angkan na pinamumunuan ni Ackiel Dimasangkay at Agiral Disomimba sa pakiusap ni Lanao del Norte Gov. Imelda Quibranza Dimaporo at Col. Sandy Vales na siyang director ng Lanao del Norte Provincial Police Office.
Sabay na nanumpang kakalimutan na ang kanilang rido, habang ang kanilang mga kamay ay nakapatong sa isang Qur’an na binalot ng puting tela, ang mga lIder ng dalawang angkan sa isang seremonyang ginanap sa Lanao del Norte provincial capitol sa bayan ng Tubod.
Ang mga Dimasangkay ay mga taga-Nunungan habang ang mga Disomimba naman ay mga taga-Pantao Ragat, dalawang bayang parehong sakop ng Lanao del Norte.
Ilang mga kasapi ng dalawang angkan, lima sa kanila mga empleyado ng government line agencies, ang nagsabing hindi na nila inisip pang maaareglo ang Dimasangkay-Disomimba rido dahil sa madugong labanan na kinasangkutan ng dalawang panig.
Hindi pagkakaunawaan sa pulitika at kontrol ng mga lugar na sakop ng bawat isa ang sinasabing pinag-ugatan ng kanilang rido.