COTABATO CITY, Philippines — Walong Tausug ang naaresto ng pulisya makaraang makumpiskahan ng aabot sa P680,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation nitong Biyernes sa bayan ng Jolo sa probinsya ng Sulu.
Ang mga naaresto, sina Rasheen Estino, Michael Bato, Morasdi Bandahala, Ibrahim Sali, Azim Salim at ang kanilang mga kasabwat na mga babaeng sina Rahima Isa, Derhana Jamiri at Trisia Indal, ay nakakulong na sa detention facility ng Jolo Municipal Police Station.
Ang Jolo ang siyang kabisera ng Sulu na sakop ng Bangsamoro region.
Binanggit sa ulat nitong Linggo ng Sulu Provincial Police Office kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na ang walong suspects ay na-entrap ng mga hindi unipormadong mga pulis sa Kakuyagan Village sa Barangay Asturias sa Jolo.
Hindi na sila pumalag ng arestuhin ng mga magkasanib na mga kasapi ng ibat-ibang unit ng Sulu PPO, Jolo Police Station, at ng 4th Regional Mobile Force Company ng PRO-BAR kasunod ng kanilang pagbenta ng P680,000 na halaga ng shabu sa mga pulis na nagpanggap na mga sugapa ng illegal na droga.
Nagpasalamat si Nobleza sa mga local officials at barangay leaders na nagsuplong sa lokal na pulisya ng illegal na mga gawain nila Estino, Bato, Bandahala, Sali, Salim, Isa, Jamiri at Indal.