Ginang pinatay, isinilid sa drum ng dyowang Kano

Naaagnas na at halos hindi na makilala nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Mila Loslos, 48 anyos, habang nakabalot ang katawan at nakasilid sa isang drum sa mismong bahay ng kinakasama nitong foreigner dakong ala-1 ng hapon.
STAR/File

Cavite, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang ginang matapos patayin sa sakal saka isinilid ang bangkay nito sa isang drum ng 71-anyos na live-in partner na Amerikano sa lungsod ng Bacoor, kamakalawa.

Naaagnas na at halos hindi na makilala nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Mila Loslos, 48 anyos, habang nakabalot ang katawan at nakasilid sa isang drum sa mismong bahay ng kinakasama nitong foreigner dakong ala-1 ng hapon.

Ayon sa anak ng biktima na si Jay Loslos, 21 anyos, college student, ilang araw na umanong nawawala ang kanyang ina at naipa-blotter na nila ito na “missing person” sa pulisya.

Gayunman, agad na inaresto ng pulisya ang live-in partner ng biktima na nakilalang si William Thomas Worth, American national, matapos na madiskubre ang naagnas nang bangkay ng babaeng kinakasama.

Hindi na umano nanlaban ang suspek at kaagad na inamin ang ginawang pagpatay sa biktima.

Sa imbestigasyon, lu­ma­labas na sinakal umano ng suspek ang biktima hanggang sa malagutan ng hininga at upang maitago ang krimen ay binalot nito sa kumot ang bangkay at isiniksik sa isang blue drum na nababalutan ng garbage bag at duct tape.

Nadiskubre lamang ang krimen nang hinahanap na ng pamilya at anak nito ang biktima at nang puntahan sa bahay ng kinakasamang Kano, dito na sila nakaamoy ng masansang sa loob ng bahay. At nang kanilang galugarin dakong alas-3:40 ng hapon ang bahay ng suspek ay tumambad sa kanila ang isang drum kung saan nanggagaling ang nakakasukang amoy.

Narekober din ng pulisya sa crime scene ang tatlong patalim at nylon na tali na posibleng ginamit sa krimen.

Hinala ng mga awtoridad, tinatayang nasa 3 hanggang 4 na araw nang patay ang biktima.

Ayon sa pulisya, isa sa tinitingnang anggulo sa karumal-dumal na krimen ay matinding selos.

Nasa kustodiya na ng pulis ang Amerikanong suspek na mahaharap sa kasong murder.

Show comments