Kidapawan City, Philippines — Maraming pamilyang Moro ang lumikas mula sa Barangay Dugong sa bayan ng Mlang, Cotabato sanhi ng paglilibot sa lugar ng mga lalaking armado na hindi pa matukoy kung anong grupo ang kinaaaniban.
Kinumpirma nitong Martes ng ilang barangay officials sa Dugong, kabilang na si Akmad Zabel, chairman ng kanilang Council of Muslim Elders, ang paglikas sa mga ligtas na lugar ng mga residenteng natakot sa presensya ng mga lalaking may bitbit na mga assault rifles.
Ang Brgy. Dugong ay hindi kalayuan sa 220,000-ektaryang Liguasan Delta na may presensya ng mga kasapi ng mga magkaalyadong teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Inatasan na ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office Office-12 ang Mlang Municipal Police Station na magsiyasat sa kaganapan sa Barangay Dugong upang may batayan ng magiging aksyon ng pulisya sa naiulat na presensya ng armadong grupo sa naturang lugar.
Ang paglikas ng mga residente ng Barangay Dugong ay kasunod ng naganap na evacuation ng ilang mga pamilyang Moro mula sa Purok Panabungan sa Barangay Tinumigues sa Lambayong sa probinsya ng Sultan Kudarat dahil sa labanan ng dalawang angkan na parehong may mga malalakas na uri ng mga baril.
Unang nagsagupa ang dalawang angkan, ang isa may mga kasaping armadong residente ng Sultan sa Barongis sa Maguindanao del Sur, noong Biyernes, ayon sa mga lokal na kinauukulan at sa mga kawani ng mga peace-advocacy non-government organizations na tumugon sa insidente.
Nais ng mga apektadong residente na maayos na agad ang sigalot upang makabalik na sila sa kanilang mga tahanan na, ayon sa ulat, ay ni-ransack at ninakawan na ng mga naglalabang dalawang angkan na armado ng mga M14 at M16 rifles.