Lady finance officer ng Dawlah, arestado sa ospital
Cotabato City, Philippines — Nasa kustodya na ng pulisya ang babaeng finance at logistics officer ng teroristang grupong Dawlah Islamiya makaraang maaresto nitong Sabado habang nasa isang pagamutan sa Isulan, Sultan Kudarat.
Si Racma Dinggo Hassan ay kusang nagpa-aresto ng hainan ng mga warrant of arrest ng mga pulis habang nasa isang ward sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa Isulan kung saan ito nagpapagamot ng mga sugat na tinamo sanhi ng aksidente bago lamang at iba pang mga karamdaman.
Magkahiwalay na kinumpirma nitong Lunes ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ni Brig. Jimili Macaraeg ng PRO-12 ang pagkaka-aresto kay Hassan.
Magkasanib na mga operatiba ng Sultan Kudarat Provincial Police Office na sakop ng PRO-12 at mga kasapi ng mga unit ng Maguindanao Sur Provincial Police Office na nasa pamumuno ni Nobleza ang magkatuwang na nagsagawa ng operasyong nag-resulta sa pagkaka-aresto ni Hassan.
Ang mga warrant of arrest para kay Hassan, kaugnay ng iba’t ibang mga kasong kriminal, ay mula sa Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City at pirmado ni Judge Annabelle Piang.
Mismong mga opisyal ng iba’t ibang local government unit sa mga magkakalapit na mga probinsya ng Cotabato, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Sultan Kudarat ang nag-ulat nitong Lunes na si Hassan ay “finance officer at logistics facilitator” ng grupong Dawlah Islamiya.
Ang Dawlah Islamiya at mga kaalyadong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Al-Khobar ang siyang tinutukoy na responsable sa mga pambobomba mula 2014 ng mga bus at mga establisemento sa central Mindanao na tumangging magbigay ng “protection money” ang mga may-ari.
Si Hassan ay biyuda ni Norodin Hassan, isang self-styled “emir,” o lider sa wikang Arabic, ng Dawlah Islamiya, na napatay sa isang engkwentro ng mga magkasanib na mga pulis at mga sundalo sa Barangay Tunganon sa bayan ng Carmen noong Enero 15, 2022.
- Latest