COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng mga pulis ang P280,000 na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia na natagpuang abandonado sa isang niyogan sa Indanan, Sulu noong Biyernes ng gabi.
Sa pahayag nitong Linggo ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, posible diumanong iniwan na lang nang mga smugglers ang kontrabando nang mahalatang nalaman na ng mga kasapi ng Indanan Municipal Police Station ang kanilang presensya sa Sitio Pamawlan sa Brgy. Kajatian.
Dinala ng mga suspects ang malalaking kahon, mula sa sasakyang pandagat, sa Sitio Pamawlan, at mula doon, ay ihahatid sana sa mga buyer na mga taga-Indanan.
Sa tulong nang mga residente, agad na naipaalam ang tangkang pag-smuggle ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa Indanan MPS kaya nakapagsagawa agad ng seizure operation ang lokal na pulisya sa pamumuno ni Police Major Edwin Catayao Sapa.
Hindi bababa sa P10 million na halaga ng mga sigarilyong imported ang nakumpiska ng mga kasapi ng Indanan MPS sa mga serye ng mga operasyon nitong nakalipas na dalawang taon.
Ang mga imported na sigarilyong nasamsam nila Sapa at mga tauhan niya noong Biyernes ng gabi ay nakatakda na nilang i-turn over sa Bureau of Customs.