Drug surrenderee kumasa sa raid, utas
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Bumulagta ang isang dating drug surrenderee matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) na magsisilbi sa kanya ng search warrant dahil sa pag-iingat nito ng hindi mga lisensyadong baril kamakalawa sa Sitio Tres Mango, Brgy. Concepcion Banahaw, Sariaya Quezon.
Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol.Ledon Monte ang napaslang na suspek na si Marlon Mendoza, alyas “Ano” , 44-anyos, may live-in partner ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:30 ng madaling araw ay tinungo ng mga otoridad ang bahay ng suspek upang isilbi rito ang search warrant na inisyu ni Lucena RTC Judge Agrifino Bravo kaugnay sa kasong RA 10591 at RA 9516.
Kasama ng ilang barangay officials, magalang na kumatok ang mga otoridad sa pintuan ng bahay ng suspek subalit mga putok ng baril ang isinagot nito saka tumakas sa kusina ng bahay at muling nagpaputok ng baril hanggang bumulagta nang gantihan ng mga law enforcers.
Narekober ng mga otoridad sa suspek ang apat na plastic sachet ng suspected shabu na tumitimbang ng 6 grams at nagkakahalaga ng P122,400, dalawang kalibre 45 pistola na may magazine at isa pang Colt caliber 45.
Batay sa follow-up investigation, ang suspek ay dati nang naaresto noong November 14, 2017 sa kasong paglabag sa R.A. 1059 at dating drug surrenderee noong July 24, 2016 base sa tala ng Barangay Anti Drug Abuse Council.
- Latest