NPA utas, 2 sundalo sugatan sa encounter

Sa report, sinabi ni Lt. Col. Vicel Jan Garsuta, spokesperson ng 3rd Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA), inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na rebelde matapos walang nakuhang identification sa katawan nito.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dumanas ng panibagong dagok ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Negros Island matapos mapaslang ang isa nitong miyembro  habang dalawang sundalo ang nasugatan sa engkuwentrong naganap sa Himamaylan, Negros Occidental, ayon sa militar nitong Sabado.

Sa report, sinabi ni Lt. Col. Vicel Jan Garsuta, spokesperson ng 3rd Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA), inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na rebelde matapos walang nakuhang identification sa katawan nito.

Ayon kay Garsuta, nagsasagawa ng combat security operations ang tropa ng PA-94th Infantry Battalion (IB) nang makatanggap sila ng reklamo mula sa mga residente hinggil sa presensya ng  nasa 15  na armadong rebelde na nangongotong umano sa kanilang komunidad.

Agad na rumesponde ang tropa ng mga sundalo at nasabat nila ang mga rebelde na nauwi sa bakbakan ng may 20 minuto sa Sitio Ulo-Tuburan, Brgy. Buenavista ng bayang nabanggit sanhi ng pagkakapatay sa isa at nasamsam ay isang M653 rifle.

Ang nasabing mga rebelde ay mula sa Central Negros 2, Komiteng Rehiyon ng NPA rebels na nago-operate sa Negros, Cebu, Bohol at Siquijor.

Kaugnay nito, pinapurihan ni 3rd ID commander Major Gen. Marion Sison ang pagiging mapagbantay at mabilis na pagre-report ng mga residente sa presensya ng mga rebelde na naghahasik ng karahasan sa kanilang komunidad.

Show comments