Iniwan sa piskalya na walang posas
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang isang pulis matapos na matakasan ng isang babaeng drug suspect ilang minuto nang isailalim sa inquest proceedings sa Sta. Rosa City, Laguna nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang nasibak na parak si P/Cpl. Jeffrey Pagpagon, nakatalaga sa Sta Rosa City Police Station. Si Pagpagon nahaharap sa kasong negligence ay agad naming dinisarmahan bunga ng insidente.
Sa ulat ng CALABARZON Police Office, dakong ala-1:17 ng hapon nang matakasan ng presong si Alice Reyes, isa umanong drug pusher, ang nasabing pulis matapos nitong eskortan sa tanggapan ng city prosecutor ng lungsod.
Kasalukuyan umanong hinihintay ni Pagpagon ang mensahe ng Duty Assistant City Prosecutor Clerks and Secretary nang pansamantala nitong iwan ang nasabing preso na walang handcuff o posas para sunduin umano ang isa pang preso sa male dormitory ng Sta. Rosa City Police Station jail sa Brgy. Tagapo ng lungsod upang isalang din ito sa inquest proceedings.
Gayunman, nang balikan ng nasabing parak ang naturang inmate ay hindi na niya matagpuan makaraang samantalahin nito ang pagkakataon para tumakas.