MANILA, Philippines — Patay sa engkuwentro ang umano’y utak sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. noong Pebrero.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Police Major General Romeo Caramat, ang suspek na si Oscar “Tamar” Capal Gandawali.
Ayon kay Caramat, maghahain lang sana ng warrant of arrest ang mga pulis kasama ang tropa ng Philippine Army laban kay Gandawali sa pinagtataguan nito sa Brgy. Pilimoknan, Maguing, Lanao del Sur nang bigla nitong paputakan ang mga operatiba.
Sugatan sa insidente ang isang sundalo at ang chairman ng Brgy. Pilimoknan na si Gamon Manonggiring. Gumanti naman ng putok ang mga operatiba dahilan sa pagkakasawi ng suspek.
Nabatid na si Gandawali ay nahaharap sa pitong bilang ng kasong murder at dalawang bilang ng kasong frustrated murder.
Matatandaan na noong Marso, una nang naaresto ng mga pulis ang tatlo sa mga suspek sa pananambang kay Adiong. Habang nasawi naman sa hot pursuit operation ang isa pang suspek sa ambush na si alyas “Otin”.
Matatandaang Pebrero 17, nang tambangan si Gov. Adiong at isa nitong tauhan sa Kalilangan, Bukidnon habang patay naman ang apat nitong kasama kabilang ang tatlong pulis.