LUCENA CITY, Philippines — Patay ang isang tricycle driver na dating nasangkot sa iligal na droga matapos pagbabarilin ng motorcycle riding criminals sa Maharlika Highway sa Purok Happy Valley, Brgy. Ibabang Dupay ng lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si Randy Arguiñoso, 33, binata at residente ng Purok San Lorenzo, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon.
Ayon sa ulat ni PLt.Col. Erickson Roranes, chief of police dito, dakong alas-11:45 ng gabi ay minamaneho ng biktima ang isang tricycle patungo sa city proper nang buntutan ng isang kulay pink na motorsiklo na sinasakyan ng dalawang hindi nakikilalang lalaki saka walang sabi-sabing pinaulanan ng punglo hanggang mamatay.
Tinutugis na ng pulisya ang mga suspek upang malaman ang motibo nila sa pamamaslang sa biktima.
Sa tala ng pulisya, ang pinatay na si Arguiñoso ay dati nang nakulong at nakalaya lang noong Disyembre 16, 2022 dahil sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.