4 holdaper todas sa shootout!
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Napatay ng mga pulis ang apat na armadong mga lalaki na hinihinalang mga holdaper sa isang engkuwentro nitong Huwebes ng gabi sa bayan ng Mlang, Cotabato ilang minuto lang kasunod ng ginawang pagholdap sa karatig bayan.
Kinumpirma nitong Byernes ni Lt. Col. Realan Mamon, hepe ng Mlang municipal police, ang pagkasawi ng apat sa palitan ng putok sa mga pulis na nagtangkang pigilin sila sa isang bahagi ng highway sa isang barangay sa Mlang habang patakas sakay ng dalawang motorsiklo.
“Una silang nag-holdap sa Matalam at patakas na sana nang masabat ng aking mga tauhan. Tinangka silang pigilin ngunit naglabas ng mga baril at nagpaputok kaya nagka-engkwentro na nagsanhi sa kanilang kamatayan,” pahayag ni Mamon.
Ang bayan ng Matalam sa Cotabato ay di kalayuan sa Mlang, lugar ng magkahalong mga Muslim at mga Kristiyano na karamihan ay pagsasaka ng mais at palay ang ikinabubuhay.
Ayon kay Mamon, inaalam pa ng kanilang mga imbestigador ang tunay na identity o pagkakakilanlan ng apat na nasawing holdaper.
- Latest