MANILA, Philippines — Humigit kumulang 1,000 katao ang naapektuhan matapos tupukin ng naglalakihang apoy ang ilang kabahayan sa isang informal settler area sa Brgy. 22-A, Cuadra, Cavite City nitong Miyerkules.
Anim na oras matapos ideklarang "under control" ang sunog, inayos din ang Ladislao Diwa Elementary School bilang evacuation site ng mga nasunugan.
"Estimated of 1,000 families ang affected dahil sa sunog na ito," wika ni Cavite City Mayor Denver Chua sa isang Facebook post Miyerkules.
"Sa mga nais magbigay ng donasyon, pumunta lamang sa Ladislao Diwa Elementary School (LDES) covered court. Sa ngayon mas kailangan po natin ng karagdagang tubig, hygiene kit, tissue paper at pagkain," sabi niya sa hiwalay na pahayag.
Agad naman na ring nakapaghatid ng tubig, pagkain at hygiene kits sa mga evacuees. Maliban dito, nakapag-ayos na rin ng food packs maliban sa mga kutson na maaaring gamitin pantulog.
Meron na ring mobile clinic na nagbibigay ng libreng gamot upang tumugon sa health concerns ng mga residente.
Nagpasalamat din ang alkalde sa tulong na inabot nina Reps. Jolo Revilla (Cavite) at Bryan Revilla (Agimat party-list), at Cavite Vice Mayor Raleigh Grepo Rusit na siya ring sumugod sa eksena.
"Ngayong gabi habang inaayos natin ang datos, tayo ay naghanda na ng 2,000 food packs, hygiene kits, bottled water at family food packs para matugunan ang kinakailangang pagkain at tubig ngayong gabi," sabi ni Jolo Miyerkules.
"May inihahanda din tayong tulong pinansiyal para sa mga nasunugan at magpapatuloy ang ating mga ibibigay na tulong hanggang hindi nakakabalik sa kanilang mga bahay ang ating mga kababayan."
Ayon sa Philippine Red Cross, naitala ang naturang apoy bandang 1:29 p.m. at siyang umabot pa sa 3rd alarm.
Hindi pa naman malinaw kung ano ang naging sanhi ng naturang sunog hanggang sa ngayon.
Wala namang pasok sa Ladislao Diwa Elementary school ngayong araw ngayong ginawa itong evacuation center. Mag-aanunsyo naman si Chua sa mga darating na araw kung kailan ibabalik ang mga klase.