Unyonista sa BPO industry 'pinagsasaksak' sa Bacolod City, patay

Litrato ni Alex Dolorosa, isang paralegal officer ng BPO Industry Employee's Network (BIEN) Pilipinas
Released/BIEN Pilipinas

MANILA, Philippines — Patay ang progresibong organisador ng mga empleyado ng business process outsourcing (BPO) sa Visayas matapos matagpuang puno ng saksak tatlong araw matapos mawala nang parang bula.

Ito ang ibinahagi ng grupong BPO Industry Employee's Network (BIEN) Pilipinas, isang grupong kilalang nag-oorganisa ng unyon at asosasyon ng mga call center agents atbp., patungkol sa kinasapitan ng miyembro nilang si Alex Dolorosa.

"We received reports that our paralegal officer in Bacolod City, Alex Dolorosa, was found dead with multiple stab wounds yesterday," ayon sa BIEN ngayong Martes sa isang pahayag.

"He was reported missing for three days and local reports confirmed he was killed in Barangay Alijis, Bacolod City."

 

 

Naghihintay pa ng karagdagang detalye ang grupo sa kanilang lokal na balangay sa Bacolod patungkol sa krimen.

Hinihingian pa ng Philstar.com ng pahayag ang Philippine National Police sa Lungsod ng Bacolod patungkol sa insidente.

"We abhor and condemn this attack against union organizers and the state of impunity and lawlessness in the country," ayon sa grupo.

Kritikal ang naturang grupo sa administrasyon at kilala sa pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa sa sektor ng BPO, na siyang lumaganap sa Pilipinas sa pag-a-outsource ng mga dayuhang kumpanya ng mas murang lakas-paggawa sa Pilipinas.

Kamakailan lang nang manawagan sila ng P31,000 national entry-level wage para sa BPO industry habang itinutulak na karapatang pantao ang karapatan sa paggawa.

Sinasabing nasa P18,000 kada buwan ang kita ng BPO workers lalo na't nagpapababaan daw ang mga kumpanya ng sweldo upang makaengganyo ng foreign investors, sabi ng grupo.
Malayo ito sa P1,100 arawang family living wage na inestima ng IBON Foundation para maging disente ang buhay ng pamilyang may limang miyembro.

Show comments