MANILA, Philippines — Patay ang isang mag-ina nang masalpok ng kasalubong na AUV habang sakay ng kanilang motorsiklo at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Herran Lander Alejandro, 25, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo, at ang kanyang inang si Anne matapos na tumilapon mula sa motorsiklo, at mahulog pa sa bangin.
Sugatan din sa aksidente ang nakabanggang driver na nakilalang si Luis Bayanin III, gayundin ang kanyang asawang si Jackielyn at 2-taong gulang na anak na lalaki na pawang isinugod sa Fatima Hospital upang malunasan.
Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police na dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Sumulong Highway sa Barangay Sta. Cruz.
Nauna rito, binabagtas umano ng mag-ina ang naturang lugar lulan ng motorsiklo, patungong Antipolo City, nang bigla na lang silang salpukin ng Toyota Innova wagon, na minamaneho ni Bayanin, na noon ay patungo sana sa direksiyon ng Masinag.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga, tumilapon ang mag-ina mula sa kanilang motorsiklo at nahulog sa 20-talampakang bangin na nagresulta sa kanilang kamatayan.
Lumitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa sasakyan si Bayanin na nagresulta upang mag-overshoot ito sa kabilang linya na sanhi ng banggaan.